Share this page:  
 

Multilingual Scriptures

(Compare books in 2 different language versions of your choice)

Comparison Search:

Select Language version and font:
You can only select max. of two versions.
Book:
Chapter:
Verse:
---------
From: To:

Free Search:

Select Language version and font:
Enter search text:

Multilingual Scriptures Home » Tagalog 1905 » Ruth

Tagalog 1905
Chapter # Verse # Verse Detail
11At nangyari nang mga kaarawan nang humatol ang mga hukom, na nagkagutom sa lupain. At isang lalaking taga Bethlehem-juda ay yumaong nakipamayan sa lupain ng Moab, siya, at ang kaniyang asawa, at ang kaniyang dalawang anak na lalake.
12At ang pangalan ng lalake ay Elimelech, at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Noemi, at ang pangalan ng kaniyang dalawang anak ay Mahalon at Chelion, mga Ephrateo na taga Bethlehem-juda. At sila'y naparoon sa lupain ng Moab, at nanirahan doon.
13At si Elimelech na asawa ni Noemi ay namatay: at siya'y naiwan at ang kaniyang dalawang anak.
14At sila'y nagsipagasawa sa mga babae sa Moab; ang pangalan ng isa'y Orpha, at ang pangalan ng isa'y Ruth: at sila'y tumahan doon na may sangpung taon.
15At namatay kapuwa si Mahalon at si Chelion; at ang babae ay naiwan ng kaniyang dalawang anak at ng kaniyang asawa.
16Nang magkagayo'y bumangon siya na kasama ng kaniyang dalawang manugang upang siya'y bumalik mula sa lupain ng Moab: sapagka't kaniyang nabalitaan sa lupain ng Moab kung paanong dinalaw ng Panginoon ang kaniyang bayan sa pagbibigay sa kanila ng tinapay.
17At siya'y umalis sa dakong kaniyang kinaroroonan, at ang kaniyang dalawang manugang na kasama niya: at sila'y yumaon upang bumalik sa lupain ng Juda.
18At sinabi ni Noemi sa kaniyang dalawang manugang, Kayo'y yumaon, na bumalik ang bawa't isa sa inyo sa bahay ng kaniyang ina: gawan nawa kayo ng magaling ng Panginoon, na gaya ng inyong ginawa sa mga namatay at sa akin.
19Ipagkaloob nawa ng Panginoon na kayo'y makasumpong ng kapahingahan, bawa't isa sa inyo sa bahay ng kaniyang asawa. Nang magkagayo'y kaniyang hinagkan sila; at inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak.
110At sinabi nila sa kaniya, Hindi, kundi kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan.
111At sinabi ni Noemi, Kayo'y magsibalik, mga anak ko: bakit kayo'y yayaong kasama ko? may mga anak pa ba ako sa aking tiyan, na magiging inyong mga asawa?
112Kayo'y magsibalik, mga anak ko, magpatuloy kayo ng inyong lakad; sapagka't ako'y totoong matanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, Ako'y may pagasa, kung ako'y magkaasawa man ngayong gabi, at ako'y magkakaanak man;
113Maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki? magbabawa kaya kayo na magkaasawa? huwag, mga anak ko: sapagka't daramdamin kong mainam dahil sa inyo, sapagka't ang kamay ng Panginoon ay nanaw laban sa akin.
114At inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak uli; at hinagkan ni Orpha ang kaniyang biyanan; nguni't si Ruth ay yumakap sa kaniya.
115At sinabi niya, Narito, ang iyong hipag ay bumalik na sa kaniyang bayan, at sa kaniyang dios; bumalik kang sumunod sa iyong hipag.
116At sinabi ni Ruth, Huwag mong ipamanhik na kita'y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagka't kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios:
117Kung saan ka mamatay, ay mamamatay ako, at doon ako ililibing; hatulan ako ng Panginoon at lalo na, maliban ang kamatayan ang maghiwalay sa iyo at sa akin.
118At nang makita ni Noemi na mapilit ng pagsama sa kaniya, ay tumigil ng pagsasalita sa kaniya.
119Sa gayo'y yumaon silang dalawa hanggang sa sila'y dumating sa Bethlehem. At nangyari, nang sila'y dumating sa Bethlehem, na ang buong bayan ay napataka sa kanila; at sinabi ng mga babae, Ito ba'y si Noemi?
120At sinabi niya sa kanila, Huwag na ninyo akong tawaging Noemi, tawagin ninyo akong Mara: sapagka't ginawan ako ng kapaitpaitan ng Makapangyarihan sa lahat.
121Ako'y umalis na puno, at ako'y iniuwi ng Panginoon na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Noemi, yamang ang Panginoon ay nagpatotoo laban sa akin, at dinalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?
122Sa gayo'y nagsibalik si Noemi at si Ruth na Moabita, na kaniyang manugang na kasama niya, na nagsibalik mula sa lupain ng Moab: at sila'y nagsidating sa Bethlehem sa pasimula ng pagaani ng sebada.
21At si Noemi ay may kamaganak ng kaniyang asawa, isang mayamang makapangyarihan, sa angkan ni Elimelech; at ang pangalan niya'y Booz.
22At sinabi ni Ruth na Moabita kay Noemi, Paparoonin mo ako ngayon sa bukid, at mamulot ng mga uhay sa likuran niyaong aking kasumpungan ng biyaya sa paningin. At sinabi niya sa kaniya, Yumaon ka, anak ko.
23At siya'y yumaon at naparoon, at namulot sa bukid sa likuran ng mga mangaani: at nagkataong dumating sa bahagi ng lupa na nauukol kay Booz, na sa angkan ni Elimelech.
24At, narito, si Booz ay nanggaling sa Bethlehem, at nagsabi sa mga mangaani, Ang Panginoo'y sumainyo nawa. At sila'y sumagot sa kaniya, Pagpalain ka nawa ng Panginoon.
25Nang magkagayo'y sinabi ni Booz sa kaniyang lingkod na kaniyang katiwala sa mga mangaani, Sinong babae ito?
26At ang lingkod na katiwala sa mga mangaani ay sumagot at nagsabi, Siya'y babaing Moabita na bumalik na kasama ni Noemi na mula sa lupain ng Moab:
27At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyong pamulutin mo ako, at papagtipunin sa likuran ng mga mangaani sa gitna ng mga bigkis. Sa gayo'y naparoon siya at nagpatuloy, sa makatuwid baga'y mula sa umaga hanggang ngayon, liban sa siya'y nagpahingang sangdali sa bahay.
28Nang magkagayo'y sinabi ni Booz kay Ruth, Di mo ba naririnig, anak ko? Huwag kang mamulot sa ibang bukid, o lumagpas man dito, kundi manahan ka ritong malapit sa piling ng aking mga alilang babae.
29Itanaw mo ang iyong mga mata sa bukid na kanilang inaanihan, at sumunod ka sa kanila; di ba ibinilin ko sa mga bataan na huwag ka nilang gagalawin? At pagka ikaw ay nauuhaw, pumaroon ka sa mga banga, at uminom ka sa inigib ng mga bataan.
210Nang magkagayo'y nagpatirapa siya at yumukod sa lupa, at nagsabi sa kaniya, Bakit ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin na nilingap mo ako, dangang ako'y taga ibang lupa?
211At si Booz ay sumagot at nagsabi sa kaniya, Ipinatalastas sa akin ang buong iyong ginawa sa iyong biyanan mula sa pagkamatay ng iyong asawa: at kung paanong iyong iniwan ang iyong ama at iyong ina, at ang lupang pinanganakan sa iyo, at ikaw ay naparito sa bayan na hindi mo nakilala nang una.
212Gantihin nawa ng Panginoon ang iyong gawa, at bigyan ka nawa ng lubos na ganting pala ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa ilalim ng mga pakpak niyaong iyong kakanlungan.
213Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Makasumpong nawa ako ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko; sapagka't ako'y iyong inaliw, at sapagka't may kagandahang loob na pinagsalitaan mo ang iyong lingkod, bagaman ako'y hindi gaya ng isa sa iyong mga alila.
214At sa pagkain ay sinabi ni Booz sa kaniya, Parito ka, at kumain ka ng tinapay, at basain mo ang iyong subo sa suka. At siya'y umupo sa siping ng mga mangaani: at iniabot niya sa kaniya, ang sinangag na trigo, at siya'y kumain, at nabusog, at lumabis.
215At nang siya'y tumindig upang mamulot, ay iniutos ni Booz sa kaniyang mga bataan, na sinasabi, Pamulutin ninyo siya hanggang sa gitna ng mga bigkis, at huwag ninyo siyang hiyain.
216At ihugot din ninyo siya ng ilan sa mga bigkis, at iwan ninyo at pamulutin niya, at huwag ninyong hiyain siya.
217Sa gayo'y namulot siya sa bukid hanggang sa paglubog ng araw; at kaniyang hinampas yaong kaniyang napamulot, at may isang epa ng sebada.
218At kaniyang dinala at pumasok sa bayan: at nakita ng kaniyang biyanan ang kaniyang napamulot: at kaniyang inilabas at ibinigay sa kaniya ang lumabis sa kaniya pagkatapos na siya'y nabusog.
219At sinabi ng kaniyang biyanan sa kaniya, Saan ka namulot ngayon? at saan ka gumawa? Pagpalain nawa yaong lumingap sa iyo, At itinuro niya sa kaniyang biyanan kung kanino siya gumawa, at sinabi, Ang pangalan ng lalake na aking ginawan ngayon ay Booz.
220At sinabi ni Noemi sa kaniyang manugang: Pagpalain nawa siya ng Panginoon, na hindi ikinait ang kaniyang kagandahang loob sa mga buhay at sa mga patay. At sinabi ni Noemi sa kaniya, Ang lalaking yaon ay isa sa mga kamaganak na malapit natin, isang pinakamalapit na kamaganak natin.
221At sinabi ni Ruth na Moabita, Oo, sinabi niya sa akin, Ikaw ay sumunod na malapit sa aking mga bataan hanggang sa kanilang matapos ang aking ani.
222At sinabi ni Noemi kay Ruth na kaniyang manugang, Mabuti, anak ko, na ikaw ay lumabas na kasama ng kaniyang mga alila, at huwag kang masumpungan sa ibang bukid.
223Sa gayo'y nakipisang maliksi na kasiping ng mga alila ni Booz, upang mamulot hanggang sa katapusan ng pagaani ng sebada at pagaani ng trigo; at siya'y tumahang kasama ng kaniyang biyanan.
31At sinabi sa kaniya ni Noemi na kaniyang biyanan, Anak ko, hindi ba kita ihahanap ng kapahingahan, na ikabubuti mo?
32At ngayo'y wala ba rito si Booz na ating kamaganak, na ang kaniyang mga alila ay siya mong kinasama? Narito, kaniyang pahahanginan ang sebada ngayong gabi sa giikan.
33Maligo ka nga, at magpahid ka ng langis, at magbihis ka at bumaba ka sa giikan: nguni't huwag kang pakilala sa lalake, hanggang siya'y makakain at makainom.
34At mangyayari, paghiga niya, na iyong tatandaan ang dakong kaniyang hihigaan, at ikaw ay papasok, at iyong alisan ng takip ang kaniyang mga paa, at mahiga ka; at sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin.
35At sinabi niya sa kaniya, Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin.
36At siya'y bumaba sa giikan, at ginawa niya ang ayon sa buong iniutos sa kaniya ng kaniyang biyanan.
37At nang si Booz ay makakain at makainom, at ang kaniyang puso'y maligayahan, siya'y yumaong nahiga sa dulo ng bunton ng trigo; at siya'y naparoong marahan, at inalisan ng takip ang kaniyang mga paa, at siya'y nahiga.
38At nangyari, sa hating gabi, na ang lalake ay natakot at pumihit: at, narito, isang babae ay nakahiga sa kaniyang paanan.
39At sinabi niya, Sino ka? At siya'y sumagot, Ako'y si Ruth, na iyong lingkod: iladlad mo nga ang iyong kumot sa iyong lingkod; sapagka't ikaw ay malapit na kamaganak.
310At kaniyang sinabi, Pagpalain ka nawa ng Panginoon, anak ko: ikaw ay nagpakita ng higit na kagandahang loob sa huli kay sa ng una, sa hindi mo pagsunod sa mga bagong tao maging sa dukha o sa mayaman.
311At ngayon, anak ko, huwag kang matakot; gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi, sapagka't buong bayan ng aking bayan ay nakakaalam na ikaw ay isang babaing may bait.
312At tunay nga na ako'y kamaganak na malapit; gayon man ay may kamaganak na lalong malapit kay sa akin.
313Maghintay ka ngayong gabi, at mangyayari sa kinaumagahan, na kung kaniyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng pagkakamaganak, ay mabuti; gawin niya ang bahagi ng pagkakamaganak: nguni't kundi niya gagawin ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo, ay gagawin ko nga ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo, kung paano ang Panginoon ay nabubuhay: mahiga ka nga hanggang kinaumagahan.
314At siya'y nahiga sa kaniyang paanan hanggang kinaumagahan: at siya'y bumangong maaga bago magkakilala ang isa't isa. Sapagka't kaniyang sinabi, Huwag maalaman na ang babae ay naparoon sa giikan.
315At kaniyang sinabi, Dalhin mo rito ang balabal na nasa ibabaw mo at hawakan; at hinawakan niya; at siya'y tumakal ng anim na takal na sebada, at isinunong sa kaniya; at siya'y pumasok sa bayan.
316At nang siya'y pumaroon sa kaniyang biyanan, ay sinabi niya, Ano nga, anak ko? At isinaysay niya sa kaniya ang lahat na ginawa sa kaniya ng lalake.
317At sinabi niya, Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin; sapagka't kaniyang sinabi, Huwag kang pumaroong walang dala sa iyong biyanan.
318Nang magkagayo'y sinabi niya, Maupo kang tahimik, anak ko, hanggang sa iyong maalaman kung paanong kararatnan ng bagay: sapagka't ang lalaking yaon ay hindi magpapahinga, hanggang sa kaniyang matapos ang bagay sa araw na ito.
41Si Booz nga'y sumampa sa pintuang-bayan, at naupo siya roon: at, narito, ang malapit na kamaganak na sinalita ni Booz ay nagdaan; sa lalaking yao'y sinabi niya, Oy, kuwan! lumiko ka, maupo ka rito. At siya'y lumiko, at naupo.
42At siya'y kumuha ng sangpung lalake sa mga matanda sa bayan, at sinabi, Maupo kayo rito. At sila'y naupo.
43At sinabi niya sa malapit na kamaganak, Ipinagbibili ni Noemi, na bumalik na galing sa lupain ng Moab, ang bahagi ng lupa, na naging sa ating kapatid na kay Elimelech:
44At aking inisip na ipahayag sa iyo, na sabihin, Bilhin mo sa harap nilang nakaupo rito, at sa harap ng mga matanda ng aking bayan. Kung iyong tutubusin ay tubusin mo; nguni't kung hindi mo tutubusin ay saysayin mo nga, upang matalastas ko: sapagka't wala nang tutubos na iba pa liban sa iyo: at ako ang sumusunod sa iyo. At sinabi niya, Aking tutubusin.
45Nang magkagayo'y sinabi ni Booz, Anomang araw na iyong bilhin ang parang sa kamay ni Noemi, ay marapat na iyong bilhin din ang kay Ruth na Moabita, na asawa ng namatay, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kaniyang mana.
46At sinabi ng malapit na kamaganak, Hindi ko matutubos sa ganang akin, baka masira ang aking sariling mana: iyo na ang aking matuwid ng pagtubos; sapagka't hindi ko matutubos.
47Ito nga ang kaugalian ng unang panahon sa Israel tungkol sa pagtubos at tungkol sa pagpapalit, upang patotohanan ang lahat ng mga bagay; hinuhubad ng isa ang kaniyang pangyapak, at ibinibigay sa kaniyang kapuwa: at ito ang paraan ng pagpapatotoo sa Israel.
48Sa gayo'y sinabi ng malapit na kamaganak kay Booz, Bilhin mo sa ganang iyo. At hinubad niya ang kaniyang pangyapak.
49At sinabi ni Booz sa mga matanda at sa buong bayan, Kayo'y mga saksi sa araw na ito, na aking binili ang lahat ng kay Elimelech, at lahat na kay Chelion, at kay Mahalon, sa kamay ni Noemi.
410Bukod dito'y si Ruth na Moabita, na asawa ni Mahalon, ay aking binili na maging aking asawa, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kaniyang mana, upang ang pangalan ng namatay ay huwag mahiwalay sa gitna ng kaniyang mga kapatid, at sa pintuang-bayan ng kaniyang dako: kayo'y mga saksi sa araw na ito.
411At ang buong bayan na nasa pintuang-bayan, at ang mga matanda ay nagsabi, Kami ay mga saksi. Gawin ng Panginoon ang babae na pumapasok sa iyong bahay, na gaya ni Rachel at gaya ni Lea, na silang dalawa ang nagtatag ng sangbahayan ni Israel, at maging makapangyarihan ka sa Ephrata, at maging bantog sa Bethlehem:
412At ang iyong sangbahayan ay maging gaya ng sangbahayan ni Phares, na ipinanganak ni Thamar kay Juda, sa binhi na ibibigay ng Panginoon sa iyo sa batang babaing ito.
413Sa gayo'y kinuha ni Booz si Ruth, at siya'y naging kaniyang asawa; at siya'y sumiping sa kaniya, at pinapaglihi ng Panginoon, at siya'y nanganak ng isang lalake.
414At sinabi ng mga babae kay Noemi, Pagpalain ka nawa ng Panginoon na hindi ka binayaan sa araw na ito, na mawalan ng isang malapit na kamaganak; at maging bantog nawa ang kaniyang pangalan sa Israel.
415At siya'y magiging sa iyo ay isang tagapagsauli ng buhay, at tagapagkandili sa iyong katandaan: sapagka't ang inyong manugang na nagmamahal sa iyo, ay nagkaanak sa kaniya, at siya'y mahigit pa sa iyo kay sa pitong anak.
416At kinuha ni Noemi ang bata, at inihilig sa kaniyang kandungan, at siya'y naging yaya.
417At nilagyan ng pangalan ng mga babaing kaniyang kapitbahay, na sinasabi, May isang lalake na ipinanganak kay Noemi; at tinawag nila ang pangalan niya na Obed; siya ang ama ni Isai, na ama ni David.
418Ito nga ang mga lahi ni Phares: naging anak ni Phares si Hesron;
419At naging anak ni Hesron si Ram, at naging anak ni Ram si Aminadab;
420At naging anak ni Aminadab si Nahason, at naging anak ni Nahason si Salmon:
421At naging anak ni Salmon si Booz, at naging anak ni Booz si Obed;
422At naging anak ni Obed si Isai, at naging anak ni Isai si David.